top of page
Search

GABAY

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 2 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Nobyembre 3, 2016

I

Landasin mo aking anak ang daan ng tagumpay,

At bawat bagay ay baybayin mo ng hinay-hinay.

Upang iyong madaanan ang sa diwa mo'y aalalay,

At ika'y magpasakop sa karunungang nakahanay.

II

Hindi madali ang daan na iyong tatahakin,

May lungkot at kabiguan na iyong kakaharapin.

Ang luha aking anak ay madaling pahirin,

Ngunit ang sakit ng damdamin, kay hirap hawiin.

III

Ang nagmamahal anak ay sadyang masalimuot,

Puso'y mapagtiis at kailan man ay 'di maramot.

Hangad ng puso'y sayang sa iniibig ay maidulot,

Ang wagas na pag-ibig ay humahawi ng lungkot.

IV

Kung ang puso mo man sa pag-ibig ay lumuha,

Alaala ng lumipas ay pakawalan ng iyong diwa,

Puso ay buksan sa pag-ibig na wagas at dakila.

Na itinakdang magmahal at sa iyo ay iniadya.

V

Maraming taludtod ang buhay na tinatangan,

Pasakop ka sa mundo mong ginagalawan.

Bawat tao ay may kanya kanyang kapalaran,

Buhay mo ay harapin, hanggang sa hantungan.

VI

Pag-aralan mong tanggapin ang bawat kapalaran,

Upang ang pighati anak ay iyong malampasan.

Sa bawat mong nanaisin hindi lahat makakamtan,

May biyayang sadyang sa iyo nakalaan.

VII

Ang buhay mo aking anak ay aking pinagnilayan,

Inihanda kita sa mundo mong lalakaran.

Sa bawat mong babaybayin ay 'di ka masasaktan,

Puso't isipan mo'y hinubog kong may kababaan.

VIII

Turuan ang puso't isipan na maging mababa,

Upang sumaiyo ang tunay na pagpapala,

Sa lahat ng bagay ay ikaw ang umunawa,

At sa bawat mong salita'y ingatang may lumuha.

IX

Iyong ipagpasalamat ang lahat ng iyong tangan,

Tagumpay man o kasawian ito ay may dahilan,

Ang palad mo ay buksan sa nangangailangan,

At puso'y turuan makinig sa damdaming luhaan.

X

Ano mang nakaatang sa balikat mo ay hawakan,

Mapalad ka kung hanap ka ng nangangailangan.

Bagamat may pasakit kang makakamtan,

Nakahihigit ang saya na hindi matutumbasan.

XI

Huwag mong ikatakot ang lahat ng bagay,

Walang mali kung may luha kang itataglay.

Sa karunungan ay ikapit yaring mga kamay,

Ito ang kakampi mong sa iyo ay aalalay.

XII

Panghawakan mo ang bawat kong salita,

Ito ay gagabay sa kapalarang sa iyo tinadhana.

Iukit mo sa isipan ang hibla ng aking wika,

Hindi kita ililigaw sa landas na may pagpapala.

XIII

Ang lahat ng bagay anak ay natatapos,

Katulad ng buhay na bigay ng Diyos.

Harapin mo ang hiningang sa iyo'y nakagapos,

At ang tunay na ligaya sa puso mo ay tatagos.

XIV

Kung ang oras ng paglisan ko ay sumapit,

Sa Diyos aking anak, ikaw ay kumapit.

Linlangin ang diwang nasa batis ng hinanakit,

Sa hangin ay ipatangay, pagluluksang kay pait.

XV

Lagi mong tatandaan ang kahulugan ng buhay,

Maging mahinahon sa tangan ng iyong kamay.

Tanso man o ginto, higit ang sayang tinataglay.

At sa Diyos, ikaw ay magpakapit kamay.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comentários


bottom of page