top of page
Search

GANYAN AKO KUNG MAGMAHAL

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Hulyo 1990

I

Una kong pag-ibig ay hindi ko malilimutan,

Sapagkat ito lamang ang tangi kong yaman.

Masakit man ang dulot ng kapalaran,

Tinanggap ko ito hanggang sa kasalukuyan.

II

Minsan ko pang balikan ang nakaraan,

At muling gunitain ang mga nagdaan.

Isang nakalipas ay hindi ko malilimutan,

Sapagkat ang puso ko ay dito nasugatan.

III

Aking ihahayag itong nasa puso,

Sapagkat ang ibig ko ay iyong mapagtanto.

Itong idinulot mo ay hindi na nahango,

Nanatili sa puso kong nagdurugo.

IV

Iisang simbahan ang ating pinuntahan,

Parehong tanong sa isang kasagutan.

Itong ating mga puso ay nagmamahalan,

Ngunit tayo ay hindi nagkakaunawaan.

V

Hindi ko mabatid ang bawat naganap,

Mga nakalipas ay nanatiling pangarap.

Sapagkat umalis ka at sa iba lumingap,

Hindi ka na lumingon at hindi na sumulyap.

VI

Sa anong dahilan ba ako nagkamali?

At umalis kang sa iba nanatili.

Hindi na ba lumalaban ang iyong budhi?

Kaya sinadya mong puso ko ay masawi.

VII

Itong aking puso ay marunong magmahal,

Kahit sabihin mo pang ako ay hangal.

Nang sinaktan mo itong puso ko at dangal,

Tiniis ko sapagkat ikaw ay aking mahal.

VIII

Hindi mo man pinapansin ang lahat kong gawin,

Hindi pa rin magbabago ang aking pagtingin.

Saktan mo man ako ay aking titiisin,

Libong hapdi man ay kaya kong tanggapin.

IX

Hindi ako humihingi ng ano mang kapalit,

Sapagkat ako ay taong hindi mapagkait.

Ano mang handog mo kahit na mapait,

Tatanggapin ko, kahit sa puso ay masakit.

X

Lahat ng sa akin ay handog ko sa iyo,

Kahit na masaktan itong aking puso.

Hindi ko ipagkakait, ano man ang ibigin mo,

Makakamit mo ng wala tayong pagtatalo.

XI

Ganyan ako kung magmahal ay dalisay,

Handa kong ialay yaring nag-iisang buhay.

Milyong sugat man ang iyong ibinigay,

Pag-ibig ko sa iyo ay hindi mahihimlay.

XII

Wala mang katapusan dulot mong sugat,

Tatanggapin ko sapagkat sa iyo nagbuhat.

Nagkasala ka man ay limot ko ng lahat,

Sabay kong ipina-alon sa tubig ng dagat.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page