GUHIT NG PALAD
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2014
I
Bawat palad ay may kanya-kanya guhit,
Ang sabi-sabi, kapalaran mo ay dito nakaukit.
Isinasaad dito ang sa iyo ay sasapit,
At mula sa tadhana, bawat mong makakamit.
II
Kaya pagmasdan mo ang ibang nilikha,
Buhay ay ipinagsapalaran sa mundong malaya.
Upang karangyaan ay makamit na bigla,
Hinintay ang kapalaran na sa kanila ay iniadya.
III
Kasawian ay kaakibat nitong guhit ng palad,
Sapagkat ang tao ay bihira ng naghahangad.
Isipan ay ginawa lamang na isang pugad,
At ang nananahang ibon ay hindi pinalipad.
IV
Ikaw ay mangarap at sarili mo ay ikilos,
Ang guhit ng palad ay hindi naman nayayapos.
Sa kapalaran ikaw ay huwag magpagapos,
Kayamanan sa buhay ay hindi isang limos.
V
Maging ang ligaya ay hindi iginuhit,
Ito ay hinahanap upang kasiyahan ay makamit.
Kung tunay na pag-ibig ang sa iyo ay sumapit,
Ito ay kapalarang itinakda ng langit.
VI
Palad ng tao ay may kanya-kanyang landasin,
Ito ay lakbayin mo at katungkulan ay tuparin.
Dapat ang guhit ng palad ay ating baybayin,
Upang ang ligaya at tagumpay sa atin ay ihain.
Comments