HABILIN NG PUSO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 1991
I
Maraming bagay ang maaaring maganap,
At kung minsan may nasisirang pangarap.
Sana ay huwag mangyaring hapdi ay malasap,
O iwan ako ng pusong lumilingap.
II
Ang katotohanan ay ikinagagalak,
Ngunit ang luha ay patuloy sa pagpatak.
Hindi mapigil ang pusong umiiyak,
Nangangambang bukas siya ay nasa lusak.
III
Kahahantungan ko ay isang kamatayan,
Kapag ang puso ko ay iyong sinugatan.
Parang habag mo na, ako ay huwag iwanan,
Hindi ko makakaya na ang puso ay masaktan.
IV
Kung kinakailangan ikaw ay lumayo,
At ikaliligaya ng iyong puso.
Bukas ang pinto at ikaw ay humayo,
Maging kalayaan mo ay aking pagkabigo.
V
Pilit kong tatanggapin ang kabiguan,
Kasabay nito ang aking paglisan.
Huwag kang tutungo sa aking libingan,
Upang panaghoy ko ay hindi mo mapakinggan.
VI
Ang sumagi sa isip ko ay katha lamang,
Ito ay guni-guning mayroong katuturan.
Kung magkakaroon ito ng kaganapan,
May habilin ng sa iyo ay nakalaan.
Comments