HALAKHAK
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hunyo 22, 2007
I
O kay sarap damhin ang bawat halakhak,
Sa pagwawala ng dibdib walang makahawak.
Nagpupumiglas na damdamin sa tuwa at galak,
Kaligahan ay hindi nabibili sa tamis ng halakhak.
II
Ang kaligayahan ay kay hirap pigilin,
Ligaya ng puso ay kay sarap damhin.
Pagwawala ng damdamin ay hindi kayang awatin,
Kasiyahang nadarama ay kay hirap sambitin.
III
Ang tunog ng tawa ay kay sarap pakinggan,
Wari bang hiyaw ng ligayang hindi mapigilan.
Dibdib ay naninikip sa ligayang nakakamtan,
Hatid ng halakhak sa puso ay kasiyahan.
IV
Masdan ang mukhang kay ganda ganda,
Ang labi ay nakangiti sa hangin ay nakanganga.
Hindi maisara ang bibig na tumatawa,
At hindi kayang pigilin ang ligayang nadarama.
V
Ang kalungkutan ay hindi mo maririnig,
Sa taong humahalakhak, kaligayahan ay nasa tinig.
Yaring nasa puso ay hindi kayang ipahiwatig,
Halakhak ay nakatakip sa pusong kinikilig.
VI
Ilantad man ang sarili ay walang maniniwala,
Na ang taong masayahin ay hindi mahahalata.
Katotohanan ay hindi maitatago sa madla,
Kahit kalungkutan ay ikubli ng mukhang mandaraya.
VII
Halakhak ay yaman ng tao,
Na hindi mahihingi o agad mong matatamo.
Kalungkutan ay hindi maikukubli ng matang maamo,
Tulad ng ligayang nilalantad ng bawat ngiti mo.
Comments