top of page
Search

HALUGHOG

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 2 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

2014

I

Isipan na lumulipad sa himpapawid ay napadpad,

Malikhaing kaisipan sa kamalayan ay naging huwad.

Winawaksi ng diwa ang tangan nitong palad,

Dahil isipan ay lumihis at sa kawalan ay napasadsad.

II

Nilalamon ng isipan ang diwang nasa kalungkutan,

Nagpupumiglas ang puso at hanap ay kamatayan.

Pilitin man ikubli at ilihim ang kabalisaang tangan,

Hindi kayang hawiin ang lungkot ng nasa kasawian.

III

Isipan ay patungo sa landas ng kawalan,

Hanap ay paraisong tila walang sukatan.

Sa bawat pagmumuni ay puso ang nasusugatan,

Pilit na tinutunton ang sayang dulot ng kasiyahan.

IV

Kabalisaan ang dulot ng isipang mapaghanap,

Pagkalimot sa katotohanan ay malimit malasap.

Lumulutang ang isipan na laging kumakapkap,

Pilit na kinakapa ang liwanag sa dilim ng alapaap.

V

Ang sanhi nitong isipang mapag muni-muni,

Kabiguan ang sa guni-guni ay humuhuni.

Hindi kayang talikuran ang bawat pagkasawi,

Binibigkis ng isipan ang diwa sa bawat pagkakamali.

VI

Ipinikit ang mga matang natuyo sa luha,

Sa dilim ay ikinubli ang isipang mandaraya.

Kalituhan ang natamo sa bawat pagnanasa,

Inilihim ang katotohanan, sa dilim ay hindi makalaya.

VII

Nawaglit sa isipan ang tugon sa kabiguan,

Sarili ay itinuon sa lupit nitong kasawian.

Hanapin man ang lunas ito ay hindi matatagpuan,

Sapagkat isipan ay nalunod sa batis ng kalungkutan.

VIII

Ligayang natamasa sa isipan ay laging hindi sapat,

Hanap ay kasiyahan na sa layaw ay hindi salat.

Kinasadlakan ay mundong walang lamat,

Sa sarili ay walang muang musmos sa isang dagat.

IX

Pilit hinahalughog ng diwa, sariling kagustuhan,

Isipan ay nagpupumiglas sa guhit ng kapalaran.

Kawalan ng kamalayan ang kinasadlakan,

Diwa ay lumutang sa himpapawid nasumpungan.

X

Lunas ay kailangan sa kabalisaan ay ilaan,

Upang ang isipan ay kumapkap sa katotohanan.

Sarili ay turuan na ang lahat ay may kapalaran,

Damhin ang ligayang kinubli ng sariling isipan.

XI

Hangin ang kapara ng isipang nagwawala,

Kawangis ay leon sa gubat ay hindi makalaya.

Bawat kaisipan sa kanya ay kumakawala,

Pilit tumatakas sa mundo niyang mandaraya.

XII

Lupit ng pag-iisa ang kinahantungan,

Tanging buwan at bituin ang nanatiling tangan.

Isipan ay lumutang at tumakas sa kamalayan,

Nasadlak sa mundo na may sariling ginagalawan.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page