top of page
Search

HANDOG KO AY ISANG HIRAM

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Hulyo 1992

I

Minsan sa Diyos ako ay lumapit,

Hiniling ko na ang pag-ibig ay makamit.

Sa isang sandali sa akin ay may kumulbit,

Isang binatang sa mukha ay may bait.

II

Tinanong ko sa Diyos kung ito ay pag-ibig,

O isang tuksong dulot ng daigdig.

Walang katugunan akong narinig,

Maliban sa pangako nitong mangingibig.

III

Wala akong nagawa kundi ang tanggapin,

Ang pagmamahal na sa akin ay inihain.

Kahit na ako ay walang pagtingin,

Aking pinilit na siya ay ibigin.

IV

Muli sa Diyos ako ay humiling,

Pagmamahal niya ay maaari bang hiramin.

Upang idagdag sa kaunti kong pagtingin,

Dito sa binatang pagmamahal ko ay dalangin.

V

Ang bawat bagay ay hindi ko ikinabigo,

Dinulot ng Diyos makamtan yaring pagsuyo.

At ihandog sa binatang naghihintay ang puso,

Pag-ibig kong hiram sa kanya ko ginugo.

VI

Nagkamali ako sa aking ginawa,

Ipinagkatiwala ko ang hiram kay Bathala.

Hindi iningatan puso ko ng binata,

Sa pagmamahal ko ay hindi siya naniwala.

VII

Kaya aking binawi hiram na pag-ibig,

Ibinalik ko sa Diyos ng walang ligalig.

Tumigil ang puso ko sa kanyang pagpintig.

Hiram na pagsuyo tuluyan ng nanahimik.

VIII

Salamat sa Diyos ako ay pinahiram,

At yaring hiling ko ay kanyang pinagbigyan.

Kahit saglit ito ay aking nailaan,

Sa isang binatang kapos sa paninindigan.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page