HILING KO SA DIYOS
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 1990
I
Kay raming bagay ang sa puso ko ay katanungan,
Tulad nitong buhay, hindi ko maunawaan.
Ang dagok ng mundo ay isang kapighatian,
At ngayon ay naghahangad ako ng katarungan.
II
Puso ko ay nagmamahal subalit nasasaktan,
Hindi ko maunawaan at maintindihan.
Nangyayari sa akin ay pawang kaguluhan,
At bulong ng puso ko ay ayaw mong pakinggan.
III
Iisa lamang ang ibinubulong nitong puso,
Ang pag-ibig kong wagas sa iyo sumasamo.
Hindi ko maihayag sapagkat takot na mabigo,
At maging daan upang sa Diyos ay lumayo.
IV
Ang dalangin ko sa Diyos nawa ay ikaw na nga,
Sapagkat ang ligaya ay sa iyo ko nadarama.
Madilim kong kahapon ay isinusumpa ko na,
Upang mahalin ka at sambahin sa tuwina.
V
Patawarin mo ako sa lihim kong pag-ibig,
Na sa aking puso ay malimit lumigalig.
Walang lakas ng loob na sabihin ang pintig,
Nang puso kong takot ang kabiguan ay marinig.
VI
Itinatanong ko sa Diyos, kung ikaw na nga ba?
Ang isinisigaw ng puso kong nangangamba.
Sapagkat kay tagal na kitang hiniling sa kanya,
Minsan man lang sa buhay ko ay makapiling kita.
VII
Hindi ko matatanggap kung ako ay mabibigo,
Sapagkat minsan lang magmahal itong aking puso.
Tanging kay Bathala ako nagsusumamo,
Nawa ay huwag mangyaring ikaw ay kanyang ilayo.
VIII
Kung hindi man mangyayari ang lahat ng ito,
Maaaring kay Bathala ako ay magtampo.
At sa kanya ay tuluyan na akong lalayo,
Kasabay ng tiwala kong bilang maglalaho.
IX
Patawarin sana ako ng Poong Maykapal,
Alam kong batid niyang ikaw ay aking mahal.
Hindi mangyayaring pag-ibig ay magiging bawal,
Kaya magaganap ang matagal ko ng dasal.
X
Ang Diyos ng pag-ibig ay sadyang mapagbigay,
Limutin man siya ay kanya pa rin hinihintay.
Hindi pahihintulutan tayo ay magkahiwalay,
Ikaw at ako ay hawak ng kanyang mga kamay.
Comentários