HINAGPIS NG PUSO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Agosto 1990
I
Maraming dahilan kung bakit hindi matupad,
Itong pangarap na aking hinahangad.
Sadya nga bang ang katauhan ko ay huwad,
At ang hangarin ko ay pinigil ng palad.
II
Ako ay nilikha sa ibabaw ng mundo,
Upang ihasik itong nasa aking puso.
Ipakikita ko ang pagiging ako,
Kasabay ng pag-ibig ko at pagkatao.
III
Hindi man matupad lahat kong hangarin,
Matatanggap ko sapagkat laan sa akin.
Hindi kayang isigaw ng aking damdamin,
Itong galit ko at ang aking mithiin.
IV
Ano pa nga ba ang aking magagawa?
Kundi ang lumuhod at magmakaawa.
Tinanggap ko ang sa akin ay iniadya,
Masdan yaring mata, tuloy sa pagluha.
V
Nasasaktan ako sa maraming bagay,
Lalo na sa akin ay walang gumagabay.
Hinahanap ko ang sa akin ay dadamay,
Bakit hinanakit, sa puso ko ay ibinigay?
VI
Kung ang pangarap ko man ay hindi matupad,
Tatanggapin ko kung ano man ang iginawad.
Pag-ibig lamang ang aking hinahangad,
Sana ay pagbigyan at buksan yaring palad.
Comments