top of page
Search

HINDI KO LILISANIN

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Enero 10, 2016

I

Sabi nila ang pagdadalamhati ay lumilipas,

Bawat pait daw ay kusang kumukupas.

Ang hapdi ng puso sa diwa ay lalampas,

At ang patak ng luha ay hindi mo na mararanas.

II

Habang ang araw ay sumisikat,

Pagdadalamhati ko ay hindi mo masusukat.

Wari bang tangan ko ang luhang kay bigat,

At ang bawat patak ay nagdudulot ng sugat.

III

Hindi ko itatanong yaring dahilan ng paglisan,

Batid ko naman ang lahat ay may hangganan.

Ang tangi kong iniisip ay ang kapighatian,

Pangungulila sa ina ay aking kamatayan.

IV

Ayaw kong hawiin ang lungkot ng kasawian,

Nais kong bitbitin ang alaalang nagdaan.

Ang bawat bukas ay kay inay ko inilalaan,

May luha man sa puso, siya ang aking kasiyahan.

V

Makulong man ako sa dusa at pamimighati,

Basta si inay ang kapiling, lahat ay mahahawi.

Hindi ko lilisanin ang mundo ng pagkasawi,

Ito ang daan upang makasama siyang muli.

VI

Kasiyahan kong matatawag ang paggunita,

Alaala niya ang sa lungkot ko ay nagpapalaya.

Hindi ko lilisanin ang mundo ng pagluluksa,

Dito ay may saya akong natatamasa.

VII

Malunod man ako sa dusa at pamamanglaw,

Batid kong may ligaya akong natatanaw.

Ang pag-ibig ni inay sa akin ay tumatanglaw,

Bawat niyang alaala sa gunita ko'y humahataw.

VIII

Walang nawaglit sa bawat naming kahapon,

Si inay ay nakaukit at sa puso ko'y nakabaon.

Kalungkutan man ang sa akin ay humahamon,

Pagmamahal kay inay ang lagi kong itutugon.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page