HULING PATAK NG LUHA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Mayo 1, 2007
I
Sa bawat panahong aking nilampasan,
Damdamin ko ay tunay na nasugatan.
Akala ko ang pighati ay matatalikdan,
Ang kahapon pala ay hindi matatakasan.
II
Kay lupit ng sa buhay ko ay nagawa,
Mga pagkakamali sa maling akala.
Buhay ko ay nawasak ng hindi sinasadya,
Sapagkat nakaraan ay itinanim sa diwa.
III
May isang luhang sa mata ay hindi pumatak,
Sapagkat hindi ko hangad puso ay mawasak.
Katauhan ko ay sa lungkot napasadlak,
At huling luha sa dibdib ko ay sinaksak.
IV
Ang nais ko ay humiyaw at humagulgol,
At umiyak na wari bang isang sanggol.
Sino ang sa akin ay makakahatol,
O magsasabi ng mali kong ginugol?
V
Mga mata ko ay hahayaan kong lumuha,
Pagtanggap sa mali ay matatamasa.
Katahimikan sa akin ay iaadya,
Nitong luhang sa dibdib ay magpaparaya.
VI
Sarili ko ay inihiga sa lupa,
Pagsisisi ay hayaang makalaya.
Ang kapayapaan ay matatamasa,
Kung ipapatak ko yaring huling luha.
Comments