HULOG KA NG LANGIT
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 1990
I
Nang kita ay makilala ako ay namangha,
Sa kadahilanan na ako ay humahanga.
Ang katulad mo ay dapat dinadakila,
Sa mundong ito ay hindi dapat mawala.
II
Ikaw ay inihandog sa akin ni Bathala,
At doon sa langit ikaw ay nagmula.
Handog niya sa akin ay huwag sanang mawala,
Sapagkat ako sa iyo ay humahanga.
III
Ako ay natuwa sa Dakilang lumikha,
Sapagkat ikaw ay kanyang pinababa.
Upang sa mundo ay maghandog ng ligaya,
At sa akin ay magbigay ng pag-asa.
IV
Ikaw ang siyang tunay na kaibigan,
Na sa tuwina ay laging maaasahan.
Hindi ko hahayaan na ikaw ay lumisan,
Hanggang wakas ikaw ay ipaglalaban.
V
Si Bathala lamang ang may karapatan,
Maghiwalay sa ating pagkakaibigan.
Sapagkat alam niya ang katotohanan,
Ikaw at ako ay hindi dapat wakasan.
VI
Ako ay may hinihiling kay Bathala,
Nawa ay lumigaya ka dito sa lupa.
Kamtin mo nawa ang tunay na ligaya.
Pag-ibig sa mundo ay iyo sanang makita.
VII
Huwag kang mangamba aking kaibigan,
Sa lahat ng bagay handa kitang tulungan.
Kahit na ako ay lubos na mahirapan,
Titiisin ko hanggang kamatayan.
VIII
Salamat sa Diyos na siyang lumikha,
Nang pag-ibig dito sa langit at lupa.
At dahil dito ay inihandog ka niya,
Ikaw pala ay pag-ibig na mula sa kanya.
Comments