HUSGA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hulyo 1992
I
Kung titingnan ako sa panlabas na anyo,
Animo ay prinsesang nakaupo sa trono.
Ganda ay kumikislap sapagkat taas noo,
Wari bang kapuri-puri aking pagkatao.
II
Huwag husgahan yaring aking kaanyuan,
Ito ay kumukupas at panandalian.
Kilalanin ninyo ang aking kalooban,
Bago sabihin, kung tanso o kayamanan.
III
Ang sabi-sabi ay kapanipaniwala,
Maging ito ay isang katha o hula.
Nakakalinlang ang bawat salita,
Sumusugat sa puso at gumugulo sa diwa.
IV
Ang anyo ng mukha ay kaakit-akit,
Bawat ngiti, animo ay may bait.
Kislap ng mata ay bituin sa langit,
Sa kabila nito ay may natatagong pait.
V
Kung matuklasan man yaring katotohanan,
Walang mali sa bawat ninyong malalaman.
Suriin ninyo upang mapatunayan,
Bago ninyo husgahan aking katauhan.
VI
Hindi ko kailangan ang ano mang awa,
O ngiti ng mga pusong natutuwa.
Hindi ko rin nais ako ay ipagwalang bahala,
Ang ibig ko lamang ay ibigay ang pang-unawa.
Comentários