top of page
Search

IGINAPOS

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Enero 14, 2007

I

Uumpisahan kong simulan ang simula,

Isisiwalat ko ang sa puso ay nagmula.

Pag-ibig kong inilaan ay hindi nawala,

At hindi nawaglit sa bawat kong gunita.

II

Inakala kong ang lahat ay natatapos,

At yaring nasa puso ko ay makakaraos.

Ang pag-ibig na tunay kapag kinakapos,

Ang alaala niya ay sa diwa nakayapos.

III

Hindi ko man nakikita ay aking nadarama,

Hangin na dumadampi, kasama ko sa tuwina.

Tulad nitong nakaraan kong alaala,

Isang kahapon ang nagbibigay ng saya.

IV

Una kong pag-ibig ay sa puso ko iginapos,

Tamis ng pagsinta ay hindi malalaos.

Kahit ang puso ay tunay na naghihikahos,

Ang sugat sa puso ay isa lamang galos.

V

Yaring puso ay handang magpatawad,

Sa taong pagsinta ay akin ngang hinangad.

Ano man ang sa puso ko ay iginawad,

Pagmamahal pa rin ang sa iyo ay isasaad.

VI

Mahirap pakawalan yaring nakaraan,

Sapagkat ang unang pag-ibig ay 'di mapapantayan.

Pagmamahal ko ay sadyang walang katapusan,

Taon na ang lumipas, alaala ay hindi ko maiwan.

VII

Lumipas na ang araw, taon na ang dumaan,

Tinatahak ko ay wala pa rin katiyakan.

Nasa isipan ko ay isang katotohanan,

Na kahit kailan hindi ko matatakasan.

VIII

Gaano man kabilis ang takbo ng panahon,

Hindi pa rin maiiwan ang nagdaang noon.

Ito ay kasama ko sa bawat paghamon,

Sapagkat nasa puso ko ang lumipas na kahapon.

IX

Iginapos sa isipan itong pag-ibig,

Alaala ay niyapos nitong aking bisig.

Ang unang pagsinta ay sadyang maligalig,

Araw man o gabi sa puso ko ay kuliglig.

X

Hindi kayang nakaraan ay talikdan,

Sapagkat puso ay umasang may kahahantungan.

Habang pumipintig ang puso ay maninindigan,

Bawat kong alaala ay hamon ko kung tingnan.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

コメント


bottom of page