IKAW BA ANG AKING BUKAS ?
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2014
I
Ikaw ba ang aking bukas,
Na aking kahapon sa nakalipas?
O baka naman ikaw ay isang bakas,
Na lilipas pagkatapos ng bukas.
II
Hintayin ko man ang iyong pagbabalik,
Ang nakaraan ay tila hindi na hahalik.
Panahon ang nagpabago sa mga pusong sabik,
Mga nakalipas na alaala ay hindi na mamamanhik.
III
Sa muling pagsasanga ng ating daan,
Pagmamahal ko ay muli kong ilalaan.
Ito ay hindi kumupas kahit na nakaraan,
Pag-ibig ko sa iyo ay lagi kong tangan-tangan.
IV
Ikaw ang aking bukas.
Pagmamahal ko sa iyo ay hindi kumupas.
Libong taon man ang sa atin ay lumampas,
Sa diwa ko ay hindi ka nawaglit, kahit na lumikas.
V
Bagamat ang nakalipas ang aking taglay,
Ikaw ang kabuuan ng aking buhay.
Ang bukas ay lagi kong hinihintay,
Upang pagmamahal ko sa iyo ay maibigay.
VI
Magpaulit-ulit man ang aking kabiguan,
Pagmamahal ko sa iyo ay hindi ko tatalikdan.
Kung bukas ako ay muli mong iiwanan,
May bukas at bukas pa akong inaasahan.
Comments