ILAW AT HALIGI
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2014
I
Saan ba dako ng mundo naroon ang saya?
Ligayang hinahanap saan nga ba madarama?
Pilitin ko man hanapin ay hindi ko makita,
Maging kapayapaan ay hindi ko napuna.
II
Hinalughog ko ang aming tahanan,
Nakita ko ay mga pusong luhaan.
Bawat silid ay aking binuksan,
Luha ang sumalubong sa aking harapan.
III
Hinanap ko ang ilaw at haliging masasandigan,
Kumukurap ang liwanag at gumiba ang sandigan.
Nakita ko na lamang lahat sila ay natabunan,
Nitong mga pangarap na pilit kinakamtan.
IV
Nakaligtaan nila ang isang musmos,
Pilit na naghahanap ng kalingang yayapos.
Damdamin nila ay sa sarili iginapos,
At sa pag-ibig, puso nila ay naging kapos.
V
Tila hindi nila batid ang tunay kong kailangan,
Ang bawat inihahain sa hapag ay kabiguan.
Maging sa silid puso nila ay hindi ko natagpuan.
Kahit na ang anino nila ay hindi ko nasilayan.
VI
Kanino ko ba isusumbong ang aking pamimighati?
Wala akong kilalang sa lungkot ko ay may hahati.
Ako ay nag-iisa at luha lang ang bumabati,
Pagbibiro ng tadhana ang sa akin ay sumawi.
VII
Lumabas ako upang takasan ang lungkot,
Sa aming tahanan pagdurusa ang dulot.
Waring hangin ang sa akin ay nakapulupot,
Hindi pag-ibig na sa puso ko ay gagamot.
VIII
Yapusin nawa ako ng sa akin ay kukupkop,
Sapagkat puso at isipan ko ay tila nagdarahop.
Hanap ay kalinga na sa akin ay sasakop,
Karangyaang dulot, sa akin ay isang salop.
Comments