IPAGUHIT SA PALAD
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 14, 2007
I
Gustong pumatak nitong aking mga luha,
At ipaagos sa dibdib kong nagwawala.
Upang sa lungkot ang isipan ay makawala,
Luha ko ay ipinatak sa aking diwa.
II
Simula pagkabata ako ay naglakad,
Nagbabaybay ako sa mga daang huwad.
Nakakapagod makamtan ang hinahangad,
Kaya aking ibinigay sa guhit ng palad.
III
Aking hinahayaan ang lahat ng bagay,
Ayaw ko ng hawakan ang sariling buhay.
Kapighatian at lungkot ang aking karamay,
Sa tuwing ang kabiguan sa akin ay mahihimlay.
IV
Ang bawat kong pangarap ay laging bigo,
Wari bang ako ay wala ng matatamo.
Buhay ko ay sadyang hindi ko mapagtanto,
Kalituhan ay nasa aking diwa at puso.
V
Sa guhit ng palad buhay ko ay ibinigay,
Baka sakaling makamtan ko ang tagumpay.
Kahit na maraming daan ang binabaybay,
Tanging Diyos ang sa guhit ko ay karamay.
VI
Upang kabiguan ay madaling matanggap,
Kapalaran ay hinayaan kong humarap.
Hilahil ay patuloy na malalasap,
Kakampi ko ay palad na nangungusap.
Comments