top of page
Search

ISANG AMA

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 2 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Pebrero 2008

I

Bawat pangarap na may katuparan,

Dulot sa puso ay isang kasiyahan.

May isang karangalan na hindi natutugunan,

Ang pagtawag mo ng itay sa akin ay kasiyahan.

II

Aking anak ako ay iyong ama,

Nagbigay buhay sa bawat mong hininga.

Bagamat hindi ako ang sa pagluluwal ay nagdusa,

Damdamin ko anak ay katulad ng iyong ina.

III

Sa sinapupunan niya ikaw ay aking pinagmasdan,

Kinalinga kita, sa tiyan ng ina ay inalagaan.

Bawat mong tibok ay aking inaabangan,

Maging ang pagsipa sa tiyan ay pinananabikan.

IV

Ako ay nasabik na ikaw ay makita,

Upang alagaan ka at sa maghapon ay ikarga.

Wala akong pagod na nadarama,

Kahit na sa gabi ay gusto kitang makasama.

V

O aking anak ikaw ay aking iniingatan,

Hindi ka matutulad sa buhay kong nakagisnan.

Lahat ng sa akin ay sa iyo ko inilalaan,

Maging nag-iisa kong buhay, iyong makakamtan.

VI

Ang araw at gabi sa akin ay pantay,

Sapagkat gusto ko anak ako ay iyong karamay.

Ang pagsilang sa iyo, sa akin ay bumuhay,

Ligayang nadarama ay walang kapantay.

VII

Sa bawat araw na ikaw ay lumalaki,

Ako ay tila ba naiwan sa isang tabi.

Wari bang anak ako ay hindi mo kakampi,

Dahil galos sa tuhod mo ay sa ina sinasabi.

VIII

Sa pagsapit ng dilim, hangad ko ay liwanag,

Upang makausap ka at damdamin ko ay ipaliwanag.

Ikaw ay hindi ko hinayaan sa lahat ay mabuwag,

Kaya ang gabi aking anak, ay araw kong tinatawag.

IX

Malimit aking anak, ako ay wala,

Sa lansangan ay hanap ko ang biyaya.

Upang ikaw anak ay lumaking malaya,

Sa hirap ng buhay hindi kita iaadya.

X

Ang buhay mo anak ay hindi magiging salat,

Sa hirap ng buhay, ikaw ay aking iaangat.

Kahit masunog pa yaring aking balat,

Ang init ng araw sa akin ay hindi makakaawat.

XI

Dinggin mo aking anak bawat kong tagubilin,

Salita ko ay pakinggan at ang batas ko ay sundin.

Sapagkat hindi kita sa hirap ay ididiin,

Ikaw ay lalago, payo ko lang ay angkinin.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page