ISIPAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 20, 2007
I
Isipan ko ay kung saan-saan pinapadpad,
Humahampas sa hangin at palipad-lipad.
Tinutuon ang isip kung saan mapadpad,
Pagmumuni-muni ko ay hindi isang huwad.
II
Hinugot sa puso sinaksak sa isipan,
Nilantad sa madla upang maunawaan.
Sa puso ay kinimkim sa maraming dahilan,
Isipan ang maglalahad ng may kahinahunan.
III
Yaring puso ay hindi marunong mag-isip,
Umuunawa kung hahaluan ng isip.
Lahat ng pasakit na sa puso ay kinipkip,
Hinuhupa ng isipan at sinasagip.
IV
Masdan at titigan mukhang ubod ng ganda,
Lumalantad sa liwanag na kay saya-saya.
Tanging isipan ang sa ganda ay nagdadala,
Mapayapang diwa sa mukha ay makikita.
V
Subukan mong ang isipan mo ay ikulong,
Ikubli sa paulit-ulit mong mga tanong.
Sa salamin ay tumingin ka at may sasalubong,
Pinapangit na mukha sa dami ng tanong.
VI
Turuan ang isipan na lahat ay matanggap,
Upang ang ganda ng mukha ay iyong malasap.
Hayaan mong lumipas ang bawat naganap,
Unawa ay dadampi sa marunong tumanggap.
VII
Bawat bagay na sa mundo ay nangyayari,
Huwag pagkaisipin na ikaw lang ang sawi.
Tanging isipan ang sa iyo ay magpapawagi,
Tanggapin mong lahat tayo ay nagkakamali.
Comments