ITATANGI
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 2006
I
Nakita kita sa anyong matapang,
Mukhang mabagsik at babaeng palaban.
Para bang hindi ka kayang isahan,
Wari bang ikaw ay kay hirap hawakan.
II
Babaeng maganda ako ay iyong naloko,
Yaring tapang mo ay panlabas na anyo.
Nang titigan kita, mga mata ay nagtagpo,
At nakita ko ay tunay na babaeng maamo.
III
Ang sabi ko sa sarili ay masarap ang mag-isa,
Mahirap makakita ng kaibigang makakasama.
Ako ay hindi naghanap o sa iba ay umasa,
Na makakatagpo ng kaibigang mabait at maganda.
IV
Ako ay nagkamali sa aking paniniwala,
Sa buhay ng tao may kaibigang sa iyo ay iaadya.
Kahit magkaiba kayo ng paniniwala,
May isang nakalaan na sa iyo ay magtitiwala.
V
Ikaw na babaeng ubod ng bait,
Na sa kahit kanino ay hindi ka nagkait.
Hangad ko ay makasama ka at makalapit,
Sapagkat ikaw ang kaibigang hiniling ko sa langit.
VI
Sa pagsisimula nitong pagkakaibigan,
Hangad ko ay tumagal hangang kamatayan.
Umasa kang tayo ay hindi mag-iiwanan,
Kapatid kitang ituturing hanggang sa hantungan.
Commenti