IYONG TINGNAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Oktubre 29, 2001
I
Alam kong ako ay hindi tulad mo,
Wala akong sa iyo ay na mana na kahit ano.
Maaari ngang tayo ay walang pinagkapareho,
Ako ay sadya na yatang likas na ganito.
II
Gawin ko man ang lahat sa ibig mo,
Pagmamahal mo sa akin ay hindi na magbabago.
Itanong man kung bakit, isasagot mo'y 'di totoo,
At ito lang ang sa akin ay maipadarama mo.
III
Ginagawa ko ang lahat sa ikaliligaya mo,
Pinipilit kong gawin kahit hindi ko gusto.
Nasasaktan ako sa bawat sinasabi mo,
Hanggang diyan lang ba ang pagmamahal mo?
IV
Sadyang ang puso ay namimili ng mamahalin,
At hindi kita masisisi sa iyong damdamin.
Alam kong hindi mo rin naman ito aaminin,
Kaya ang dahilan ay hindi ko na aalamin.
V
Pangitang-pangita naman ang nakikita,
Sadyanmg tinangi at minahal mo siya.
Ano man ang gawin mo para sa kanya,
Para sa akin ay hindi na ito mahalaga.
VI
Pagmamahal ko sa iyo ay hindi mo maipipinta,
Sapagkat sa puso ko ikaw ang pinakamahalaga.
Kaya marahil ako ay nasasaktan sa tuwina,
Ibig ko rin sana ako ay iyong makita.
Comments