KAHAPON AT KASALUKUYAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 1993
I
Akin ng nililimot ang bawat nakaraan,
Ang pintig ng puso ay akin ng hinadlangan.
Pinilit kong ang lahat ay kalimutan,
At hanapin ang sarili sa ibang kandungan
II
Magulo pa rin yaring aking kaisipan,
Sapagkat sarili ay hindi ko matagpuan.
Ipagsiksikan ko man ako ay hindi laan,
Sa puso ng iba ako ay nasasaktan.
III
Yaring kahapon sa akin ay nagbalik,
Ang pintig sa puso ko ay muling nanumbalik.
Umaasa akong siya sa akin ay hahalik,
Dito sa puso kong tinusukan niya ng tinik.
IV
Kasalukuyan ko ay mayroon ng hinaharap,
Naipagkasundo ko na ang aking pangarap.
Subalit mayroon pa rin akong hinahanap,
Tunay na kalinga at kamay na yayakap.
V
Maaari bang takasan yaring kasalukuyan,
At muli kong yapusin itong nakaraan.
Walang maaaring maging dahilan,
Upang hiling ko ay hindi mapagbigyan.
VI
Nagdadalawang isip ang aking kaisipan,
Kung ano ang pipiliin ng aking kalooban.
Ang kahapon ba o itong kasalukuyan,
Marahil ay wala at itigil na itong kahibangan.
VII
Ang pakikipagkasundo ko ay maaaring putulin,
Sapagkat sa dambana ay hindi pa ako inihahain.
May karapatan akong damdamin ay sundin,
Dahil nakasalalay, buhay ko at itong mithiin.
VIII
Pareho ng maglaho at tuluyan ng lumayo,
Sapagkat kayo ay sanhi ng aking pagkabigo.
Magsilayas na kayo at huwag nang manuyo,
Wala na kayong maaasahan sa aking puso.
Commentaires