KAHIT AKO AY AKO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 1991
I
Tanggap ko sa puso kung sino man ako,
Hindi ko babaguhin yaring aking pagkatao.
Ako ay ako na sa mundong ito,
At kaya kong panindigan na ako ay totoo.
II
Kung may kailangan man nitong aking buhay,
Hindi ako magdadalawang isip na ito ay ibigay.
Sapagkat ang hangad ko sa tao ay mag-alay,
Masaktan man ako hindi ko ikalulumbay.
III
Ngunit kung sa akin ay walang makatatanggap,
Maligaya pa rin akong sa daigdig ay mangangarap.
Sapagkat 'di ko ninasa ang sa aki'y may lumingap,
Kaya kong mag-isa sa gitna ng paghihirap.
IV
Malaya ang sa akin ay ibig lumayo,
Hindi ko pipigilin kung iyan ang sigaw ng puso.
Ngunit makabubuting sa akin ay magtago,
Isusumpa ko ang pusong mapagbalatkayo.
V
Walang maaaring sa puso ko ay sumira,
Tanggap kong lahat ano man sa akin ay iadya.
Hindi ako nanlilimos ng ano mang awa,
O pag-ibig na sa tao ay magmumula.
VI
Kahit ako ay ako lamang sa tingin ng iba,
At ang pagkatao ko sa kanila ay walang halaga.
Hindi sila ang sa puso at isipan ko ay sisira,
Ano man ang gawin nila sa akin ay 'di mahalaga.
Kommentare