KAPA SA DILIM
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 21, 2008
I
Bawat taludtod ng buhay ko ay aking sinalansan,
Ang ihip ng hangin pumaparoon sa aking maibigan.
Ang agos ng tubig may daan na pinatutunguhan,
Ganyan ang buhay na aking hinabi at kinulayan.
II
Sa hindi ko mabatid na mga kaganapan,
Ikot ng mundo ko'y may tinahak na kapalaran.
Bawat kong iginuhit nagbago ng kaanyuan,
Sarili'y napadpad sa buhay na 'di ko mahawakan.
III
Sa pagsapit ng hatinggabi may luhang pumapatak,
Umaagos na kalungkutan at puso ko'y winawasak.
Paslit kong maituturing sarili ay walang hawak,
Ako ay isang musmos sa mundo kong tinatahak.
IV
Nangangapa sa dilim ang puso ko at isipan,
Tulala sa hangin ang diwa kong naguguluhan.
Ang araw at gabi'y 'di ko kayang pakibagayan,
Ako'y nagpapa-agos sa padpad ng kapalaran.
V
Ewan ko, 'di ko alam ang mga dapat gawin,
Wari bang ang lahat ay idinidikta ko sa hangin.
Nagbabakasakali na may masungkit na bituin,
At ang kasawian ko ay iwaksi at hawiin.
VI
Kapa sa dilim ang buhay kong tanga-tangan,
Wala akong masabi o gawin ang paninindigan.
Sa sarili'y tinanggap ano man ang kahihinatnan,
Ako'y mapalad, buhay ko'y hawak ng kapalaran.
תגובות