KAPATID SA PUSO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Mayo 27, 1990
I
Sa hindi mawari at hindi inaasahang pagtatagpo,
Nagsalubong itong landas, walang patutungo.
Tayo ay nagkasabay sa daang baku-bako,
At hanap natin ay tagumpay ng bawat nating puso.
II
Walang pag-aalinlangan bawat isa ay tinanggap,
Sa simula pa pagkakaibigan ay pinangarap.
At ang tanging hangarin lamang ay may makausap,
Hindi ko alintana na ikaw pala sa aki'y paglingap.
III
Mga musmos natin diwa'y nagkasundo't nagkaisa,
Ang takbo ng buhay ay hinarap nating magkasama.
Panahon ay dumating kailangan ng mag-isa,
Sapagkat may ibang daan na sa atin ay nagsanga.
IV
Kaibigan, biyayang kang kaloob ng Maykapal,
Sa hindi ko inaasahang sagot sa aking dasal.
Bawat hirap at lungkot na sa akin ay dumatal,
Hinawi mo at ang diwa ko ay sa iyo mo isinandal.
V
Aking kaibigan ako sa iyo ay nalulugod,
Sapagkat ako ay iyong sinagip sa pagkakalunod.
Sa kasawian natamo kamay mo ay nakasahod,
Inalalayan ako sa lahat ng aking pagod.
VI
Saan man humantong, bawat nating mga buhay,
Ikaw ay mananatili sa puso kong nalulumbay.
Walang makapapalit o sa iyo ay maipapantay,
Pagkakaibigan ay itatangi ko hanggang sa hukay.
Comments