KAPIRASONG GINTO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Oktubre 1990
I
Sadya ngang baliw ang iyong kaisipan,
Iniisip mo ay sariling kapakanan.
Walang halaga kung ang iba ay masaktan,
Masunod lamang ang sarili mong kagustuhan.
II
Winalang bahala mo ang bawat pangako,
Pagmamahal sa puso ay iyong itinago.
Hinayaan mong ang puso mo ay mabigo,
Makamit mo lang ang pangarap na ginto.
III
Maabot mo man ang lahat mong pangarap,
Hindi mo makakamit ang ligayang ganap.
Walang kabuluhan ang lahat mong natanggap,
Sapagkat sa puso mo ay walang lumilingap.
IV
Iyong tinakasan ang tunay na pag-ibig,
Dahil takot ka sa hatol ng daigdig.
Hindi mo ibig magkaroon ng ligalig,
Kaya ninasa mong itakwil ang pintig.
V
Huli na upang ibalik ang kahapon,
Ang minahal mo ay hindi na babalik ngayon.
Lumaban ka man ay tapos na ang noon,
Kasabay na naglaho nitong panahon.
VI
Di ba kay sakit nitong nararamdaman?
Takot kang harapin ang katotohanan.
Na ang mahal mo ay tuluyan ng lumisan,
At hindi na babalik magpakailanman.
VII
Iyan ba ang ligayang iyong hinahanap?
Kapirasong ginto na hindi lumilingap.
Walang pag-ibig na dito ay matatanggap,
Pawang kasawian ang iyong malalasap.
Comments