KASINTAHAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
1993
I
Ang pakikipagkasintahan ay hindi masama,
Sa mata ng sino man ito ay sadyang tama.
Ngunit kung ito ay mayroong dulot na luha,
Isang pagkakamali ang pagsintang iniadya.
II
Bihira ang pag-ibig sa unang pagtatagpo,
Ito ay paghangang sa damdamin ay bumugso.
Ang buong akala ay pag-ibig ang nasa puso,
Kaya nasasaktan sa mga pighating natatamo.
III
Ikaw na mangingibig ay huwag magpa-ibig,
Upang hindi masaktan ang pusong nililigalig.
Ipadama at ipahiwatig ang iyong pag-ibig,
Paglalahad ay ikimkim kahit na umiibig.
IV
Iyong pagnilayan yaring nararamdaman,
Bago bigkasin kung mayroong katotohanan.
Alalahanin mo, kapag ang puso ay nasaktan,
Takot ang maiiwan sa pusong nasugatan.
V
Ikaw na iniibig ay huwag magmadali,
Isipin mo na ang lahat ay nagkakamali.
Itinanim sa puso ay hindi mababawi,
Kaya pagkaisipin ang pagsintang pinipili.
VI
Yaring inyong mga isipan ay inyong buksan,
Unawain ang pag-ibig bago panindigan.
Sapagkat ang damdamin at puso kapag nasugatan,
Buhay ay mawawasak ng hindi namamalayan.
Comments