top of page
Search

KASUMPA-SUMPA KA O PAG-IBIG

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Enero 1991

I

Nadapa na ako minsan,

Nakasakit at nasugatan.

Ngayon ay hindi ko pahihintulutan,

Makasugat at muling masaktan.

II

Hindi ko akalain na puso ko ay mabibigo ,

Sa mga pangyayaring sa akin ay isinugo.

Nalunod ako at hindi na nakahango,

Tuluyan ng nasawi itong munti kong puso,

III

Hindi na ako marunong magmahal,

Tingin ko sa pag-ibig ay tunay na hangal.

Dakila kung tawagin ang pagsintang banal,

Ngunit para sa akin ay dapat na ipagbawal.

IV

Ikaw na pag-ibig ay aking sinundan,

Hinakbang ko ang bawat mong nilalakaran.

Hindi ko akalain na ito ang kahahantungan,

Pag-ibig kong wagas, natunton ay kadiliman.

V

Wala na akong magagawa kundi ang lumaban,

Sumigaw sa mundo at harapin ang katarungan.

Isang kaduwagan kung ito ay tatakasan,

Kaya handog ko'y isang tabak sa aking kalaban.

VI

Akin ng itinatakwil ang dulot ng noon,

Wala ng dahilan upang tanggapin ko pa ngayon.

Kung ikaw pa rin ang sa akin ay humahamon,

Lubayan mo ako at magtago ka na ngayon.

VII

Kasumpa-sumpa ka o pag-ibig,

Itong puso ko ay iyong nililigalig.

Tinukso mo ako sa magulong daigdig,

At iyong iniwanan matapos mapa-ibig.

VIII

Walang dahilan upang ako ay saktan,

Ginawa ko naman ang bawat mong kahilingan.

Ngunit bakit ito ang sa akin ay inilaan?

Isang sugat na wala ng kagalingan.

IX

Paghihiganti ang sa iyo ay nakalaan,

Wala kang madarama maliban sa kasawian.

Paiibigin kita at sabay na iiwan,

Upang malasap mo dinanas kong kapighatian.

X

Kahit na mali ang sa iyo ay lumaban,

Itutuloy ko sino man ang masaktan.

Kaya iiwas mo ang sa akin ay nangangailangan,

Upang hindi nila malasap dulot kong kapighatian.

XI

Hindi ko kailangan ang dulot mong pag-ibig,

Sapagkat ikaw ay lubhang nakaliligalig.

Wala kang karapatan manatili sa daigdig,

Umalis ka na sa puso kong walang pintig.

XII

Hindi na mapapawi dulot mong sugat,

Pagsisihan mo man tapos na ang lahat.

Yaring sumpa ko ay sa iyo na rin nagbuhat,

Magdusa ka sa hindi mo pagkakaingat.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comentarios


bottom of page