KAUGALIAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2007
I
Sa hindi inaasahang takbo ng panahon,
At kay bilis ng pagdating ng bawat taon.
Lumakad itong araw nawaglit ang noon,
At ako ay naiwan sa nagdaang kahapon.
II
Sa hindi ko mawaring mga kadahilanan,
Ako ay may naiibang kaugalian.
Yaring sarili ko ay hindi ko maunawaan,
Mga paniniwala ko'y 'di ko rin maintindihan.
III
Ako ay sumang-ayon sa tibok ng puso,
Diwang kong litong lito sa mundo ay nagtago.
Yaring ugali ko ay hindi ko mapagtanto,
Sarili ay nalilito sa diwang natamo.
IV
Bagamat sa sarili ay may kalituhan,
Yaring aking damdamin ay may katiyakan.
Puso ko ay nagmamahal ng may katapatan,
At bawat kong bigkasin ay hindi bulaan.
V
Sadya nga yatang ang tao ay mapaghanap,
Paniniwala ko ay hindi nila matanggap.
Ibigay ko man ang ligaya at ipalasap,
Pakikitungo sa akin ay palingharap.
VI
Ugali ay hinusgahan ng maling kaisipan,
Bawat kong ginawa ay hindi pinahalagahan.
Matapos ang lahat ako ay tinalikdan,
Iniwanan sa dilim na isang luhaan.
VII
Unawain ninyo ako at inyong tanggapin,
Nahihirapan akong kayo ay hanapin.
Kung ako lamang ay inyong iintindihin,
Madarama ninyo ang wagas kong pagtingin.
VIII
Sa bawat bukas, puso ko ay nakaabang,
Naghihintay nitong lingap na ilalaan.
Kung sakaling ako man ay makalimutan,
Kayo ay hindi mawawaglit sa aking isipan.
Comments