top of page
Search

KINITIL

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Mayo 13, 2007

I

May dalawang pusong damdamin ay pinag-isa,

Mga labi ay pinagdampi at naghayag ng pagsinta.

Sa sinapupunan ay umusbong ako at nakiisa,

Ako ay bunga ng lambingang hindi maipinta.

II

Narinig ko ang pintig ng bawat nilang puso,

At ako ay saksi sa bawat nilang pangako.

Bagamat hindi nila pansin, buhay ko ay binuo,

Ako ay saksi sa pagsintang hindi pabibigo.

III

Lumipas at dumaan ang bawat gabi at araw,

Pag-aalinlangan sa puso nila ay sumigaw.

At sa damdamin nila ay may pumangibabaw,

Pagmamahalang binigkas ay isang batingaw.

IV

Hindi alintana ang bugso ng bawat damdamin,

Tampuhan ay dumapo at nawala ang pagtingin.

Puso ko ay pumintig at sa ina ay nagpapansin,

Pilit kong hinahayag na siya'y 'di ko lilisanin.

V

Ako ay isang saksing kanyang kinahihiya,

Sa sinapupunan niya ako ay hindi pinalaya.

Hininga ko ay pinatid, kinusa niya at sinadya,

Buhay ko ay kanyang kinitil, binaon sa lupa.

VI

At sa hindi ko mawaring mga kadahilanan,

Pagkitil niya sa buhay ko ay nauunawaan.

Bagamat sa puso ko ay mayroong katanungan,

Pag-ibig ko kay inay ay walang pag-aalinlangan.

VII

Ibig ko sanang ang aking ina ay masilayan,

Pagmasdan ang ganda niyang hindi maisalarawan.

Kung ang buhay ko sana ay kanyang iningatan,

Aalalayan ko siya at pangangalagaan.

VIII

Ngunit hindi niya napigil ang bugso ng damdamin,

Ang galit 'nya sa mundo ay sa akin niya idiniin.

Kung ang kamatayan ko ang tangi niyang mithiin,

Muli kong ibibigay buhay ko man ay kitilin.

IX

Hayaan 'nyang dugo ko, sa mata niya ay magpahid,

Yaring bangkay ko sa lungkot niya'y magpapatawid.

Kapayapaan sa kanya ay aking ihahatid,

Nitong pagmamahal kong hindi niya nababatid.

X

Bagamat ako ay hindi niya nais na makita,

Dalangin ko sa Diyos ay ingatan siya sa tuwina.

Kung ang buhay ko man ay maibabalik sana,

Ikaw pa rin inay ang gusto kong muling makasama.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page