top of page
Search

KINUBLI

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 9, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

1991

I

Pilit kong kinukubli yaring lihim kong pagsuyo,

Sa dilim ng damdamin ang pag-ibig ay itatago.

Upang itong pag-ibig ko ay hindi mo mapagtanto,

Sa puso ay ibabaon, pagsintang hindi mabibiro.

II

Damdamin ko ay kinubli, tinago sa isang tabi,

Sa katotohanan ako ay bingi at labi ko ay pipi.

Ang nasa puso ko kailan man ay hindi pinagsabi,

Sapagkat ang kabiguan ay hindi ko kakampi.

III

Yaring nasa puso ko ay hindi mo malalaman,

Hindi mo mababatid ang buong katotohanan.

Kahit makarating pa ako sa huling hantungan,

Sa iyo'y 'di ipaaalam ang tunay kong kalooban.

IV

Hindi ko ipauunawa sa iyo ang lahat,

Sapagkat 'di ko nais na ikaw sa akin ay sumugat.

Damdami'y hinubog sa dusa at lumaking may lamat,

Kaya puso ko'y 'di pasasaling sa iyo kahit salat.

V

Ililihim ko at ikukubli laman nitong isip,

Hindi mo madarama ang hangin na umiihip.

Hindi kita sa pighati at lungkot ay isasagip,

Damdamin ay ikukubli, itatago at ikikipkip.

VI

Bagamat ikaw ang tinatangi ko at minamahal,

Pag-ibig sa puso ay itatago at ipagbabawal.

Hangad kong itayo ang nawasak kong dangal,

Sinira ng panahon at nitong puso mong hangal.

VII

Ikaw ay aking hahayaan na gawin ang maibigan,

Bawat mong naisin ay nasa iyo ang kalayaan.

Ang katotohanan ay aking ikinubli at tatakasan,

Sapagkat batid kong ikaw ay tunay na salawahan.

VIII

Ikukubli at itatago ko yaring nasa puso,

Pagmamahal kong kay tamis sa iyo'y 'di manunuyo.

Sapagkat ayaw kong puso ko ay makipagbiro,

Damdamin ay ililihim, ikukubli at itatago.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comentarios


bottom of page