KUNG ALAM MO LANG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
1991
I
Nasaan yaring pangakong iyong binitiwan?
Pagod ka na ba, kaya mo ako tinakasan?
Hindi mo ba alam na kita ay sinusubukan?
Sayang na pagmamahal hindi mo pinaglaban.
II
Bawat mong pangako sa akin ay iyong nilimot,
Yaring katanungan ko ay hindi mo sinasagot.
Pag-iibigan natin ay naging masalimuot,
Ano kaya ang sa landas natin ay naging salot?
III
Pilit akong lumaban sa hamon ng pag-ibig,
Sapagkat nais kitang makapiling sa daigdig.
Ikaw ang nag-iisang sa puso ko ay ligalig,
Maging sa diwa ko tinig mo ay naririnig.
IV
Sana ay batid mong lahat ay hindi nasusukat,
Upang hindi nasayang ang sa puso ay nagbuhat.
Tunay na pagsinta ay sadyang hindi masasalat,
Kaya dadanasin ng puso ang magkasugat.
V
Kay bilis mo naman sa pag-ibig ay sumuko,
Sa kaunting hirap at pasakit ikaw ay gumuho.
Kung alam mo lang sana ang laman ng aking puso,
Tunay na pag-ibig at ligaya ay matatamo.
VI
Kung nababatid mo lamang ang tunay na halaga,
Nitong pag-ibig na inialay ko sa iyo sinta.
Mapalad ka kung binigyang pansin sa tuwina,
Itong puso kong sa iyo ay walang makakakuha.
Comments