LAKAD NG BUHAY
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hunyo 22, 2007
I
Ang haba-haba ng daang papalayo,
Lakarin ko man pilit ang dulo'y 'di ko matamo.
Walang katapusan ang paang naglalaro,
Sa lakad ng buhay, binti ko'y pilit na tumatayo.
II
Kay lapad lapad ng makipot na daan,
Nalilito ako sa aking nilalakaran.
Baybayin ko man ang bawat madaanan,
Paa ko'y pasuray-suray sa lupa kong nilalakaran.
III
Ako ay hinahapo sa paglakad ko at pagtakbo,
Sa lamig ng panahon sarili ko ay iniyuyuko.
Walang katiyakan kung saan ako patutungo,
At ako ay nabibigla sa bawat kong natatamo.
IV
Aking ginapang ang dapat kong lakaran,
Binaybay ko ang lahat upang aking maunawaan.
Tanggap ko kung ako man ay maging luhaan,
Ang mahalaga sa buhay, ako'y nakipagsapalaran.
V
Hinay-hinay lang ang aking ginawa,
Sa padalos-dalos, dusa ang matatamasa.
Ang lakad ng buhay ay hindi nabibigla,
Mas mainam ang mahinahon sa bawat gawa.
VI
Bagamat may kabagalan ang bawat yugto,
Ako ay may kakaibang ligayang natatamo.
Ito ay ang pagtanggap ko sa bawat pagkabigo,
At sa lakad ng buhay, paa ko ay hindi huminto.
Comentarios