LAMAT
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hulyo 2, 2010
I
Bakas sa puso ay hindi nawala,
Hinagpis ay itinatak nitong mga luha.
Kalungkutan ay tangan ng aking diwa,
Sa kasawian ako ay tila hindi makawala.
II
Bagamat ako ay pagod ng mag-isip,
Hindi ko maiwasan ang sa lumipas ay sumilip.
Sapagkat sa puso ay may lamat na kinikipkip,
Kumitil sa diwang hindi ko masagip.
III
Takbuhan ko man itong kahapon,
Sa hinaharap ito rin ang tugon.
Bakit nga ba ako ay hindi makaahon?
Sa wasak na pamilya ako ay naroroon.
IV
Kay saklap nitong aking pinagmulan,
Sapagkat ang diwa ko'y tunay na naguluhan.
Hanggang sa aking kasalukuyan,
Ako ay lamat ng aking pinanggalingan.
V
Sa aking musmos na kaisipan,
Kaguluhan ay pilit kong tinatakasan.
Nakarating man ako sa kinasadlakan,
Nakataktak pa rin yaring kasawian.
VI
Sa dilim, ang lungkot ay ibinigay,
Aking ipinagkatago-tago yaring lumbay.
Hinarap ko ang lahat ng walang gabay,
Ang lumipas ang tangi kong alalay.
Comments