LAMAT SA PUSO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 2003
I
Yaring puso ko ay umusbong ng may sugat,
Mula kamusmusan damdamin ay may lamat.
Pag-ibig sa tahanan ako ay salat,
Pamilya ay winasak sa isang hudyat.
II
Kami ay nilisan sa hindi ko mawari,
Mga puso namin ay iniwang mga sawi.
Tanging hangin ang sa amin ay nanatili,
Sa mga bisig niya kami ay 'di kinandili.
III
Parang isang bangkang papel yaring buhay,
Saan man iagos ako ay tinatangay.
Pa hampas-hampas sa along walang gabay,
Umaasang sa tubig ay may aalalay.
IV
Minsan sa alon ako ay nakipaglaban,
Yaring nais ko ay aking pinagpilitan.
Iginuhit ko ang sarili kong kapalaran,
Sa pag-asang ito ay aking karapatan.
V
Musmos kong isipan ay lubhang naguluhan,
Sa pagwawala, puso ko ay nasaktan.
Lamat sa puso ko ay naging kabiguan,
Sapagkat ang pasakit ay hindi malimutan.
VI
Pagsisimula ay hindi masimulan,
Laging kaakibat ang bawat nagdaan.
Lamat sa puso ay kay hirap kalimutan,
Nakabaon sa diwa at nakalarawan.
Comments