LANDAS
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 2004
I
Tao ay isinilang sa mundong walang daan,
Sa unang mulat ng mata, walang naaanigan.
Pandinig ay kay lakas, walang mapakinggan,
Tunog na naririnig ay hindi batid, hindi maunawaan.
II
Mapulang labi ay walang mabigkas,
Ibig mang magsalita, labi ay walang lakas.
Kamay ay iginagawayway sa hangin humahampas,
Pilit hinahaplos ang hanging walang wakas.
III
Paa ay itinatayo upang matutong tumindig,
At inihahanda ang sarili sa magulong daigdig.
Inihahakbang ang paa sa daang maligalig,
Sapagkat ang tao ay naghahanap ng pag-ibig.
IV
Landas ko ay hinahanap sa daang liku-liko,
Nagbabakasakali sa daang baku-bako.
Baka makita ko ang hangad kong ginto,
Kahit masugatan yaring aking puso.
V
Sa panahon lamang ako umaasa,
Na matunton ko ang landas ng ligaya.
Kung wala mang katapusan ang paglakad ng paa,
Itutuloy ko ang paghakbang saan man mapunta.
VI
Kung sa landas ko ako ay mabigo,
At maging kasawian ng munti kong puso.
Tanggap kong lahat ang sa akin ay iginugo,
Sapagkat ito ang tama sa tingin ng nagsugo.
VII
Dapat ang tao ay matutong maki ayon,
Sa takbo ng buhay tayo ay maki alon.
Tahakin ang landas ng walang paglingon,
Ihakbang ang paa hanggang ligaya ay matunton.
Comments