LARAWAN NG LUMIPAS
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 11, 2013
I
Sa isipan ko ay lagi kang sumasagi,
Mga alaalang hindi ko mahawi.
Pag-ibig ko sa iyo ay labis kong itinangi,
Sa tuwing ginugunita, puso ay napapangiti.
II
Araw at gabi man ang magpadaan-daan,
Yaring puso ko ay sa iyo ko inilalaan.
Iwaksi ka man ng aking isipan,
Dikta ng puso ay huwag kang kalimutan
III
Bagamat puso ko ay iniwan mong sugatan,
At sa isipan ko ay pinadaloy ang katanungan,
Hindi ko sasaliksikin ang bawat kasagutan,
Matatamis na lumipas ang sa puso ko'y itatangan.
IV
Larawan man ng lumipas ang nasa puso,
Dulot nito ay ligayang nanunuyo.
Sa tuwing ang lungkot sa akin ay dadapo,
Damhin lang ang lumipas, ligaya'y nakakatagpo.
V
Mga nagdaan ay sadyang nakakaaliw,
Puso ko ay napapanatag, sa iyo aking giliw.
Bagamat ang isipan ko'y sa pag-ibig nababaliw,
Kapiling ka ng gunita kong hindi magmamaliw.
VI
Larawan ng lumipas ang aking tangan-tangan.
Puso ang nagdidiktang ikaw ay huwag kalimutan.
Sa muling pagtatagpo ng puso nating sugatan,
Mamumutawi ang lumipas na isang larawan.
Commentaires