LIBAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 19, 2017
I
Ako ay lumiban sa isang yugto ng aking buhay,
Kinalimutan kong daanan ang paglisan ni inay.
Sa isipan ko ay ikinubli ang luhang nakahanay,
Puso ay pinagpanggap sa dusang tinataglay
II
Nadarama ko ang lupit ng pag-iisa,
Diwa ko ay nalulunod sa hinagpis at pagdurusa.
Isipan ay nililinlang na waring siya ay kasama
Ngunit sa pagsapit ng gabi ay hanap kita aking ina.
III
Iniwan ko ang gabi sa hatinggabi,
At diwa ay ginising sa lungkot na nakakubli.
Sa puso ay pinapintig ang pag-ibig na nakakawili,
Alaala ni inay ang sa puso ko ay sinasabi.
IV
Kay hirap linlangin ang diwang naguguluhan,
O kay bigat tanggapin ang kanyang paglisan.
Naisin man harapin ang buhay, ako ay nahihirapan,
Sapagkat ang puso ay nasa liblib ng kalungkutan.
V
Hindi ko mahawi ang ulap na kay dilim,
Wari bang sa araw at gabi ako ay nasa kulimlim.
Bagamat sa isang saglit nagliban ako ng lihim,
Paulit-ulit na nanunumbalik ang luhang kinikimkim
VI
Hindi ko iisipin na si inay ay lumisan,
Nais ko ay kapiling ko siya magpakailanman.
Kung mali man ang sa kapighatian ay lumiban,
Pagtalikod sa luha ay hindi kasalanan.
Comentarios