LIBLIB
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Mayo 2008
I
Nakatago sa liblib ng kagubatan,
Tila may iniiwasang hindi maintindihan.
May isang damdaming pilit tinatakbuhan,
At kalungkutan na kay hirap pigilan.
II
Aking minabuting sa liblib ay magtago,
Ilihim ang damdamin na sa akin ay bumigo.
Takasan ang mundong mapagbiro,
O umiwas sa kapalarang hindi ko matanto.
III
Sa iyo ay aking ibubulong itong lihim,
Na kahit ikaw ay hindi mo maaatim.
Alam mo bang ako ay nasa kulimlim?
Nakakubli at nagtatago sa takip silim.
IV
Buhay kong hiram ay nasa kabundukan,
Doon ay naghahanap ng pusong masisilungan.
Wala akong nakitang masasandigan,
Maliban sa puno ng kababalaghan.
V
Noong ako ay musmos, sa gubat ay nagtungo,
Sapagkat sa patag ako ay napapasubo.
Sa mga kalituhan na aking natamo,
Ako ay napadpad sa daang baku-bako.
VI
Sa liblib ng kagubatan ako ay nanalagi,
Upang ikulong ang diwa kong sawi.
Walang laban na aking ipinagwagi,
Sapagkat sa akin ay walang nagmamay ari.
Comments