LIHIM NI MAGDALENA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 9, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 28, 2007
I
Magdalena ikaw ay walang kasarian,
Kumakatawan ka sa kahit sino man.
May lihim sa likod ng katotohanan,
Na ang tao ay isinilang ng may katuturan.
II
Bawat kasalanan ay pagkakasala,
Ang ating mga kamalian ang nagdala.
Ikaw at ako tunay na Magdalena,
May mga lihim sa ating hindi nakikita.
III
Maruming isipan ay dumi sa puso,
Buka ng bibig ay hindi maitatago.
Magdalena, paa mo ay iyong ihinto,
Ako ay lingunin sa pagkakaupo.
IV
Natatanging buhay ko ay aking sinira,
Katulad mo sa mundo ako ay nagwala.
Ang lahat ay aking winalang bahala,
Kahit ang saway nitong ating tadhana.
V
Kamalian at kasalanan ay nakikita,
Ngunit hindi ang sanhi nitong aking sala.
Pag-isipan mo ang sa akin ay inihuhusga,
Baka ikaw ay tulad kong si Magdalena.
VI
Hayaan mga mata natin ay magtitigan,
Upang makita ang damdamin at kalooban.
Ang katauhan mo ay hindi ko huhusgahan,
May lihim din akong iyong matutuklasan.
Comments