LUPA AY LANGIT
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2007
I
Doon sa kalangitan walang humpay ang pag-ibig,
Patuloy na dumadaloy sa mahiwagang daigdig.
Kaligayahan doon ay walang halong ligalig,
At ang maririnig mo ay mahihiwagang tinig.
II
Ang buhay mo sa mundo ay iyong pagkabaguhin,
Upang ang lungkot at hirap ay hindi mo sapitin.
Ikaw ang siyang tanging huhubog ng iyong dalangin,
At ang lupa ay gawin langit sa iyong paningin.
III
Ang bawat problema ay hindi mo mararanasan,
Kung ang lahat ng bagay iyong mauunawaan.
Hayaan mong lumipas lahat ang bawat dumaraan,
At isipin mo na ang buhay ay sadyang ganyan.
IV
Tanggapin mo ang lahat na sa iyo ay iniadya,
Sapagkat walang mali sa bawat itinatakda.
Ang kapalaran kailanman ay hindi mandaraya,
Ikaw ang nagkakamali sa mali mong akala.
V
Ang langit dito sa lupa ay iyong makakamtan,
Higit sa lahat katahimikan na inaasam.
Tunay na paraiso ang ating ginagalawan,
Basta buhay mo ay igalaw ng may kahinahunan.
VI
Sa landas nitong mga patay ay mayroong buhay,
Sarili mo ay bigyan ng diwa upang magkamalay.
Asahan mong kalangitan sa mundo ay naghihintay,
Ikaw ang siyang huhubog sa ligayang dinalisay.
Comments