MAG-ISA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
1993
I
Ang mag-isa dito sa mundo ay kay hirap gawin,
Walang nagmamahal at maaaring umangkin.
Matayog na pangarap ay mag-isang aabutin.
Ngunit walang saysay ang ningning nitong bituin.
II
Likas na masarap ang mayroong kahuntahan,
Kasama, kasalo, sa lahat ng kaganapan.
Kay hirap ng ikaw ay walang masasandigan,
Lungkot at pasakit ang iyong mararamdaman.
III
Hanapin mo ang ligaya sa piling ng iba,
Sa mundong ito kailangan natin ng kasama.
Kahit sabihin pang ang lahat ay nasa iyo na,
May kakaibang ligaya ang dulot ng kaisa.
IV
Mahirap talaga ang ikaw ay may kaargumento,
Ngunit malungkot naman ang wala kang katalo.
Buhay mo ay sisigla kung ikaw ay totoo,
Aminin mo sa sarili na nais mo ng kasalo.
V
Sikapin mong pintahan ang buhay mo at kulayan,
Huwag mong pilitin lumayo sa kanino man.
Ang mag-isa ay hindi mo mapaninindigan,
Lungkot ang wakas na iyong kahahantungan.
VI
Masdan mo at titigan ang paligid na kay saya,
Dito ay makakatagpo ka ng iyong kasama.
Mata mo ay idilat at huwag ipikit sa tuwina,
Upang ang nag-iisang siya ay iyong makita.
Comments