MAHAL NA RIN KITA….
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 1991
I
Ang pagiging ikaw ay hindi ko matanggap,
Wala sa iyo ang aking hinahanap.
Ngunit ang puso ko ay pilit na nagsikap,
Na magmahal at sa iyo ay lumingap.
II
Aking binuksan itong munti kong puso,
Upang tanggapin ang alok mong pagsuyo.
Sapagkat ang ibig ko ay aking mapagtanto,
Kung may pagmamahal akong nasa puso.
III
Batid ng Diyos ang lahat kong ginawa,
Maging mali man ito o kaya ay tama.
Sa kanya nagmula ang aking iniadya,
Pag-ibig ko sa iyo ay handog ni Bathala.
IV
Ang libong tanong mo ay nagsusumamo,
Kung may pagmamahal akong nakatago.
Ipadarama ko na lang yaring pagsuyo,
At sisikapin kong iyong mapagtanto.
V
Hindi na kailangan na sa iyo ay bigkasin,
Ang isinisigaw nitong munti kong damdamin.
Batid kong alam mo ang tunay kong hangarin,
Walang dahilan upang hindi mo mapansin.
VI
Isinisigaw ko sa Diyos ang aking nadarama,
Ang wagas kong pag-ibig ay aking ipakikita.
Hindi ko na ililihim yaring pagsinta,
At ang katotohanan na mahal na rin kita.
Comentários