MALING AKALA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 1999
I
Akala ko hindi ka makakain, kung hindi ako kasalo.
Akala ko hindi ka masaya, kapag malungkot ako.
Akala ko nag-aalala ka, kapag wala ako sa tabi mo.
Akala ko hindi ka makatulog, kapag gising pa ako.
II
Akala ko hindi ka mapakali, kapag nababagabag ako.
Akala ko sasabayan mo ako sa bawat himig ko.
Akala ko andyan ka lang kung kailangan ko.
Akala ko sagot ka sa bawat mga tanong ko.
III
Akala ko kasayaw kita sa bawat pag-indak ko.
Akala ko naroroon ka kung nasaan man ako.
Akala ko dadamhin mo ang nasa damdamin ko.
Akala ko kristal akong iniingat ingatan mo.
IV
Akala ko kasama ako sa bawat pangarap mo.
Akala ko bituin akong inaasam-asam mo.
Akala ko liwanag ako sa daraanan mo.
Akala ko kalakasan ako ng bawat kahinaan mo.
V
Akala ko karugtong ako ng buo mong pagkatao.
Akala ko kulang ang buhay mo, kung wala ako.
Dahil ang sinabi mo, ako ay mahal mo.
Kaya ang akala ko tama ang bawat inakala ko.
VI
Sa labis kong pagtitiwala, kabiguan ang napala.
Sarili ko pala ay nilunod sa maling akala,
Ang mga akala ko pala ay likha lang ng diwa,
Dahil ang tunay na pag-ibig, kung magmahal ay kusa.
留言