MALING TINGIN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 28, 2007
I
Aking kabataan ay pinuno ng pangarap,
Maging itong pag-ibig ay aking hinanap.
Ang lahat ay ginawa ko upang maging ganap,
Sapagkat ang tagumpay ay nais kong makaharap.
II
Magilas na katawan ay aking inihanda,
Sa laban ng buhay ay ayaw kong mapahiya.
Dunong ko ay ginamit lumaban sa madla,
Sapagkat hangad ko ay ligaya ang matamasa.
III
Pamilya ay binuo sa pagmamahalan,
Aking winasak ang pangakong sinumpaan.
Sadya ngang ako ay wala ngang kasiyahan,
Ang ganda nitong buhay hindi ko tinitigan.
IV
Sa paligid-ligid ako ay nagpalingun-lingon,
Hanap ko ay pag-ibig na sa lungkot ay tutugon.
Ako ay marupok at sa mali ay umayon,
Sa kahinaan ko, sa akin ay may humamon.
V
Sa kabiyak ng puso ako ay nagkasala,
Puso niya ay dinurog sa mali kong pasya.
Kalayaan ay hinangad ko at sa iba sumama,
Sa pag-aakala kong may ibang ligaya.
VI
Sarili ay ibinigay sa takbo ng buhay,
Kataksilan ay ginawa ng walang pagninilay.
Yaring pamilya ay iniwan sa ibang kamay,
Buhay ko ay nagwala at sa iba ko ibinigay.
VII
Ang aking puso ay sadyang likas na mahina,
Sa kasawian ako ay napariwara.
Ibinigay ang buhay sa mundong malaya,
Pamilya ay nawasak ng hindi sinasadya.
VIII
Sa aking supling ako ay naging pabaya,
At sa buhay kong ito ako ay nagwala.
Hindi ko inisip kung ano ba ang tama,
Katungkulan ay tinalikdan ng buong laya.
IX
Lahat sa akin ay sinira ng pangyayari,
Puso ko ay nagwala at tuluyang nasawi.
Lungkot at galit ay sadyang nakakamuhi,
Na lumunod sa akin at nagturo ng mali.
X
Ang lahat-lahat sa buhay ko ay wala na,
Aking kasawian ay sanhi ng pagdurusa.
Winasak ko ng tuluyan yaring pagsinta,
Hanggang ang liwanag ay hindi ko na makita.
XI
Mga kamalian ko ay aking tinalikdan,
At sa tama ako ngayon ay nananahan.
Bagamat ako ay wala ng babalikan,
Dalangin ko na lamang ay yaring kapatawaran.
XII
Sadya ngang ang kahapon ay hindi maibabalik,
Tanging magagawa sa pamilya ay mamanhik.
Kung hindi man kayang pagmamahal ay ibalik,
Dampi ng pagpapatawad sa akin ay ihalik.
Comments