MANANATILING KAIBIGAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 2006
I
Ako ay nag-iisa ng sa buhay ko ay dumating ka,
Kaya itinangi ko mga panahong ating pinagsama.
Inakala kong ikaw ang kaibigan ko sa tuwina,
Na makakasama ko hangang sa huli kong hininga.
II
Subalit saglit lang ang ligayang nadama,
Kaunting panahon lang ang ating pinagsama.
Sapagkat ako ay nalinlang sa maliit na halaga,
At iniwan mo akong wari bang hindi kilala.
III
Yaring aking puso ay tunay na nasaktan,
Sapagkat umasa akong ikaw ay aking kaibigan.
Na makakasama ko sa ligaya at kalungkutan,
Subalit ako ay naging bigo sa kinahantungan.
IV
Kaibigan… Tapos na nga ba ang lahat?
Pagkakaibigan nga ba ay pina-alon sa dagat?
Alalahanin mong gumagaling ano mang sugat,
Pagkakaibigan ay maitutuloy kahit may lamat.
V
Kung sakali man muli tayong magkita,
At magunita natin ang masasayang alaala.
Isipin mo sana pagkakaibigan ay mahalaga,
Maibalik nawa natin nasirang pagsasama.
VI
Umasa kang ang pinto ng puso ko ay bukas,
Handa kang tanggapin sa ano mang oras.
Sapagkat sa puso ko ay may naiwan pa rin bakas,
Mga alaala nating itinangi kong wagas.
Comments