MANHID
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hunyo 15, 2005
I
Sa kabiguan ako ay hindi madaling tumanggap,
Kahit pagtanggi sa akin ay hindi ko matatanggap.
Maging kalungkutan ay hindi ko nais na malasap,
Kung sasapitin, kamatayan ay ipapangarap.
II
Ako ay lumaking hinubog sa kabiguan,
Nakatira ako sa pighati at kalungkutan.
Luha ang siyang pamahid ko sa kasawian,
At ang hagulgol ang aking sinasandigan.
III
Nakagisnan ko na ang buhay na bigo,
Pagmamahal at kalinga ay hindi ko natamo.
Tanging hangin ang sa akin ay humihipo,
At kumalinga sa puso kong mapanibugho.
IV
Puso ko ay binatbat ng pasakit at pagsubok,
Simula sa umpisa buhay ko ay puno ng dagok.
Kahit na ang lahat ay akin ngang nalalagok,
Kalungkutan pa rin ang sa akin ay humihimok.
V
Puso ko ay namanhid sa aking naranasan,
Ngunit ang pighati ay aking naiintindihan.
Walang magaganap na hindi ko mauunawaan,
Ako ay nasanay na sa buhay na nakamtan.
VI
Kung ang bawat pasakit ay sasapitin kong muli,
Tanggap ko ng lahat ang sa akin ay sasawi.
Ngunit kung ito ay dulot ng aking kalahi,
Masakit tanggapin sapagkat sila ay minimithi.
Commentaires