MINSAN SA PUSO MO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 1992
I
Iniukol mo sa akin ay panandalian,
Hindi pag-ibig na magpakailanman.
Agad mong pinutol yaring pagmamahalan,
At ang pagsinta mo ay sa iba mo inilaan.
II
Sa tuwi-tuwina ay hinahanap kita,
Ibig kong lagi kitang makasama.
Ngunit ako ay hindi mo na kilala,
Sana ay magbalik ang iyong alaala.
III
Kung ako man ay iyo ng nakalimutan,
Ipapaalala ko sa iyo ang aking pangalan.
Subalit kung hindi mo na matandaan,
Hihintayin ko na ikaw ay matauhan.
IV
Mapalad ako at naging sinta kita,
At kahit minsan tayo ay nagkasama.
Bagamat ako ay hindi mo na kilala,
Ang lumipas natin ay lagi kong kasama.
V
Yaring sarili ay hindi na ipagpipilitan,
Tanggap kong lahat ang iyong inilaan.
Kahit na ito ay masaklap na kabiguan,
Pag-ibig ko sa iyo ay aking itatangan.
VI
Ang kagustuhan mo ay hindi ko aawatin,
Hahayaan kitang ako ay iyong limutin.
Masakit man ito sa aking damdamin,
Umasa ka aking mahal na kita ay uunawain.
VII
Kung sa langit tayo man ay magkita,
Pangalan ko nawa ay iyong maalala,
Huwag mong lilimutin na tayo ay nagkasama,
At minsan ay tinawag mo akong sinta.
Kommentare