MUNTING LIWANAG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 1989
I
Ako ay lilisan na sa munting kadahilanan,
Upang alamin ang tunay na kaligtasan.
Sa dako paroon ako tutungo,
Sa kadahilanang hindi ko matanto.
II
Sa landas na iyon ako ay may natatanaw,
Isang liwanag na nakakasilaw.
Doon ako tutungo sa munting liwanag,
Upang makadaupang palad, Dakilang lumalang.
III
Huwag sanang magdamdam sa aking paglisan,
Patutunguhan ko ay isang kaligtasan.
Aking hahanapin ang Dakilang lumalang,
Upang makamtan ang tunay na katahimikan.
IV
Salamat Inay sa iyong dalangin,
Na ang munti mong bunso ay agad patahimikin.
Hindi ko matanggap na ikaw ay aking iwan,
Sa kadahilanang ikaw ay aking mahal.
V
Huwag sanang isipin na ako ay mapaglinlang,
Sa sinasabi ko ay pawang katotohanan.
Ako ay may dinadakila at iyan ay tanging ikaw,
Subalit patawad ako ay lilisan.
VI
Hindi ko maarok ang aking damdamin,
Sa kadahilanan ako ay may ibang hangarin.
Sana ay mapatawad ang puso kong ito,
Sa kaluwalhatian ay makakamtan mo.
Commentaires