MUNTING PANGARAP
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 1990
I
Sa puso ko ay wala pang nakahihigit,
Sapagkat ang hangad ko ay munting langit.
Ang lahat sa akin ay hindi ipinagkait,
At ang pag-ibig ay nais kong makamit.
II
Nagsimula na ang bago kong hangarin,
At ang lahat ng ito ay aking dalangin.
Sa Diyos ng pag-ibig, binulong ang mithiin,
At ang pangarap ko ay binigyang pansin.
III
Katuparan ay higit kong kailangan,
Ang pag-ibig ay aking kaligayahan.
Dito sa puso ko ay isang karangalan,
At ang makikita ay isang kayamanan.
IV
Ang tingin ko sa iyo ay isang ginto,
Hindi na makikita kapag ito ay naglaho.
Hindi ko batid kung saan ka tutungo,
Ipaglalaban ko kung ikaw ay ilayo.
V
Ang pagsinta ko ay ibig kong ipadama,
Tanging sa piling mo lang ako liligaya.
Hangarin ko sa iyo ay bagong pag-asa,
Ang ibig ko lamang ikaw ay makasama.
VI
Sa mundong ito ay minsan lang ang mabuhay,
Kaya kailangan ng isang karamay.
Tulad ng pag-ibig na iyong kaagapay,
Sa lungkot at ligaya ay hindi wawalay.
Comments